© 2018 RickyLee.Ph | Created by Paolo Endrinal Tesico

info@rickylee.ph   |   40 B. Gonzales St. Xavierville Phase 1 Loyola Heights, Quezon City, Metro Manila, Philippines

Straight From Rickly Lee

Workshops, Updates, News and More.

1 post

Welcome! Join me!

0 posts

Check out what we have for you this month!

2 posts

Latest News about the scriptwriting workshop is here!

New Posts
  • Ricky Lee PH
    Dec 13, 2018

    Magandang hapon. Nakatayo ako sa harap n'yo ngayon, kinakabahan. Iyan ang isang kahong lagi kong kailangang banggain buong buhay ko. Ang takot ko sa tao. LAHAT TAYO AY NAKAKAHON Kapag nakaharap ako sa maraming tao, pakiramdam ko ay parang kakainin ako. Noong nag-aaral pa ako sa UP, naging presidente ako ng UP Writers Club. Pumunta ako sa harapan upang magsalita. Nag-block out ako. Ilang minuto akong nakatayo lang sa harapan nila. Wala akong nasabi. Bumaba na lang ako. Nagtawanan lahat. Sa Speech 1 class ko sa UP, nakapasa lang ako dahil kinaibigan ko ang professor namin. Sabi niya, kapag nagsasalita daw ako sa harapan, panay pa rin ang galaw ng kamay ko, na parang nagsusulat ako. Bata pa man ako sa Daet sa Bikol ay ganito na ako, mahiyain, malakas ang inferiority complex, takot sa tao. Maski ang Tatay ko (ipinaampon niya ako sa mga kamag-anak noong limang taong gulang pa lang ako nang mamatay ang ina ko kaya hiwalay kami ng tirahan), maski ang Tatay ko, kapag nakakasalubong ko siya noon sa kalsada, lumiliko ako upang huwag siyang makasalubong. Siya man, na sobra ring mahiyain, lumiliko rin. Sa minsan isang linggong pagpunta ko sa kanya para humingi ng pera, ni wala pang dalawang pangungusap ang namamagitan sa amin. Kung iipunin ko lahat ng mga salitang nasabi sa akin ng ama ko hanggang sa mamatay siya noong Grade 5 ako, mas marami pa siguro ang mga salitang bibitiwan ko sa inyo sa hapong ito. Lagi akong nagbabasa sa maliit na public library noon upang mawala ang takot ko sa mga tao. Sa mga libro, nakakasalubong ko lahat ng klase ng tao. At hindi sila nakakatakot. Nakokontrol ko sila. Nagiging matapang ako. Mabuti na lang mabait ang matandang librarian. Maski bumabagyo o nag-iimbentaryo sila, kumakatok ako. Pinapapasok niya ako at pinapahiram. Pag-uwi ko, kapag may nababasa akong portion ng libro na maganda, pinupunit ko. Feeling ko kasi, kapag pinagsama-sama ko lahat ng magagandang portion na napunit ko ay magiging akin ang pinakamagandang koleksyon. Nahahalata kaya ng librarian ang ginagawa ko? Palagay ko! Dahil numinipis ang mga librong sinosoli ko! Pero in fairness sa kanya, ang nakita siguro niya sa akin ay isang batang kawawa, gutom at naghahanap ng makakapitan, takot sa mundo sa labas, kaya never niya akong sinita. Hinintay niyang ako mismo ang makakita sa mali kong ginagawa. Noon ko na-realize ang isang bagay. Lahat tayo ay nakakahon. Ako ay nakakahon sa circumstances ko, sa pagiging ampon at puno ng pangarap na takot na takot akong hindi matupad. Gusto kong makapag-aral sa Maynila pero wala daw kaming pera. Nakakahon din ako sa pagkamahiyain, sa takot ko sa mga tao. Nakakahon ako sa aming maliit na bayan sa Bikol. Tumingin kayo sa palibot. Lahat tayo ay nakakahon. Ang iba ay ikinahon ng nakalipas, di maka-move on. Ang iba ay na- friendzone, umaasa pa ring balang araw ay hindi na siya magiging invisible sa kanyang best friend. Ang iba nakakahon sa bisyo, ang iba ay sa sakit, ang iba ay sa ilusyong maganda siya, ang iba sa paghahahap ng katarungan para sa anak na natokhang. Iyong batang lansangan na nagra-rugby, iyong laging binabasted maski sa Grndr, iyong nakakahon sa namatay na asawang hindi pa rin makalimutan, maski wala na ay parang katabi pa rin sa pagtulog. Lahat ay nakakahon. Pinapanganak pa lang ay ikinakahon na tayo ng iba't ibang tao at institusyon. Huwag kang maglaro ng manika, baka lumaki kang bakla. Huwag kang makipagkaibigan d'yan, masamang impluwensiya. Huwag ka sa dilim, may mumo. Kailangang mataas ang grade mo, tingnan mo ang mga kaklase mo. Ba't ang itim-itim mo? Magpaputi ka! Nabubuhay tayong lahat sa isang mundo kung saan lahat tayo ay nakakahon sa iba't ibang paraan. Ang iba ay gawa natin dahil sa mga mali nating paniniwala, at ang iba ay gawa ng ibang tao dahil mas may kapangyarihan sila sa atin. Kaya lumalaki tayong mga basag, mga pira-pirasong taong naghahanap ng pagkabuo. Naghahanap ng paraan upang makalaya sa kahon. Maging ang mga bida sa mga librong binabasa ko noon sa library, nakakahon sila. Kaya may problema sila. Kaya may kuwento sila. Si Batman na nakakahon sa patuloy na pagliligtas ng ibang tao dahil hindi na niya kailanman maililigtas ang mga magulang na noong bata pa ay nakita niyang pinatay sa harapan niya. Si Ginny sa Starting Over Again na naniniwalang hindi pa rin nagbabago si Piolo na sinaktan niya noon. Si Karl sa UP na naniniwalang puwede siyang mabuhay habang buhay na ang kapiling lang ay ang alaala ng namatay na asawa sa loob ng kanyang bahay. Si Pokwang sa Oda sa Wala na mas kaibigan pa ang patay kaysa sa mga buhay. Si Elsa sa Himala na lumaking putok sa buho, gustong matanggap siya ng tao, kaya gumawa ng himala. Kayo, lahat tayo dito, nakakahon. KAILANGANG BANGGAIN ANG KAHON Noong fourth year high school, matapos na matapos ang graduation ko, matapos akong magbigay ng speech bilang valedictorian, binangga ko ang kahon. Kasama ng apat na mahihirap ding kaklase, sakay ng bus, baon ang 50 pesos na bayad sa kaunaunahan kong short story na napublish sa Pilipino Free Press, dala-dala ang nakabalot na daing na pabaon ng mga teacher namin, lumayas kami ng daet. Hindi namin alam kung anong naghihintay sa aming kapalaran sa Maynila, kung saan kami titira, kung anong trabaho ang mapapasukan namin. Basta nakalaya kami. Binangga namin ang kahon. Lahat ng kuwento ay tungkol sa kahon, at sa pagbangga sa kahon. Walang kuwento kung walang pagbangga. Sa Para Kay B , lahat ng mga babaing bida doon, pati na rin si Lucas, ay bumabangga sa mga kahon ng social forces sa palibot nila na humaharang sa kanila upang magkaroon ng tunay na pag-ibig. Ang kahon sa kaso ni Erica ay ang baluktot na gamit ng kapangyarihan ng media. Sa kaso nina Ester at AJ ay ang kahon ng maling paniniwala tungkol sa gender. Sa kaso nina Bessie at Lucas ay ang political forces sa palibot. Sa kaso ni Irene ay ang mga sugat na dala ng kahon ng alaala. May isang short story akong sinulat noon, ang Kabilang sa mga Nawawala . Tungkol kay Jun Jun, na paggising ay natuklasan niyang naging invisible siya. Ang buong kuwento ay tungkol sa paghahanap niya sa kanyang katawan. Malalaman niya na isa pala siyang desaparecido, dinukot sa mga aktibista niyang magulang noong bata pa siya. Di niya mahanap-hanap ang sarili niyang katawan dahil di niya pa alam ang kanyang kasaysayan. Makakalaya lang siya at mabubuo ang kanyang pagkatao kapag nalaman na niya ang kanyang nakalipas na kasaysayan, na ipinagkait sa kanya ng isang estadong sumisikil sa karapatan ng mga tao. PAANO MAKAWALA SA KAHON Matapos makalayas sa Bikol noon, nagsulat ako ng mas marami pang short stories, journalistic pieces, at hindi nagtagal ay script para sa pelikula at sa TV. Hindi pa rin nawawala ang takot ko sa mga tao maski nasa mundo na ako ng showbiz. Umiiwas akong umattend sa mga party. Kinakabahan ako kapag magpi-pitch kami sa management. Takot ako sa mga malalaking okasyon na gaya ng awards night. Kapag napipilitan akong umattend, sisiguraduhin kong may kasama ako pagpasok. Pero may natutunan na akong gawin. Kapag natatakot ako sa isang tao, inilalagay ko siya sa kuwento. Ikinakahon ko siya. Sa ganoon ay nakokontrol ko siya. Halimbawa, noong magsimula akong magtrabaho bilang waiter sa D'Marks bago ako nakapagsimulang mag-college, takot na takot ako sa boss naming mataba na Espanyol. Pizza parlor 'yung D'Marks at madalas akong magkamali, kaya lagi akong napapagalitan ng boss namin. Kaya ang ginawa ko, ginawa ko siyang character sa isang kuwentong sinusulat ko. Diyan ka. Ako lang ang makakapagpagalaw sa'yo. Ikinahon ko siya. Ang mga pulis, ang mga asendero, ang mga tiyahin, ang mga multong kinatatakutan ko, ipinapasok ko sila sa mga kuwento, ikinakahon ko sila. Nang makulong ako noon nang isang taon sa Fort Bonifacio noong Martial Law. umubo ako ng dugo at kinailangang maospital nang tatlong buwan. Gumaling ako at ibinalik sa kulungan. Pero nagrelapse ako at umubo uli ng dugo. Nag-apela kami upang maibalik ako sa ospital. Pinakinggan naman ang apela namin. Isang hapon ay ipinatawag ako sa guardhouse. May matabang Colonel doon. Ikaw ba si Ricky Lee? tanong niya. Opo. Iyong writer? Opo. Umuubo ka raw ng dugo? Opo. Sige nga, umubo ka nga ng dugo. Sandali po. Umubo ako pero walang lumalabas na dugo. Mga sinungaling talaga kayong mga aktibista kayo, sabi ng Colonel. Hindi po, totoo po! Sandali lang po! Nag-concentre ako. Saka umubo uli ako nang umubo. Wala pa ring lumabas. Binetray ako ng katawan kong dati naman ay sagana kung umubo ng dugo! Kayo talagang mga aktibista kayo, mga sinungaling kayo! sabi ng Colonel. Hubarin mo nga 'yang Tshirt mo, huwag kang sumandal diyan sa pader, kunan n'yo nga ang sinungaling na ito! Years later, sa mga sinusulat ko, maski sa unang nobela kong Para Kay B , kontrabida ang mga colonel. Ayon sa mga libro tungkol sa pagsusulat, dapat ay three dimensional ang mga character. Pero sa akin, laging black and white pagdating sa mga sundalo at Colonel. Sa Para Kay B , ang character ni Lucas ay ibinase ko sa tunay kong buhay. Ampon ng mga kamag-anak, lumaki sa hirap, lumayas, nakaamoy ng kahirapan sa mga lansangan ng Maynila, gustong maging manunulat. At gaya ko, ikinakahon din ni Lucas ang mga tauhan niya upang mabago niya ang mga pangyayari. Nananalig siya sa kapangyarihan ng mga salita. Pero sa huli ay nakulong din siya, sa loob ng letrang B. Sa hindi niya nakuhang pagmamahal ni Bessie. May limitasyon ang kapangyarihan ng kuwento. Mas komplikado ang tunay na buhay. Pero ang paggawa ng kuwento ay isa pa ring mabisang paraan upang makawala tayo sa kahon. Gaya ni Amapola sa napanood n'yong video clip kanina, na nakakulong sa mababang pagtingin ng mga tao sa kanya bilang isang baklang manananggal. Kaya gumawa siya ng alamat ng bakla. Si Jon Santos man, sa kanyang mga stand up shows, sa pamamagitan ng pagpapatawa ay binabangga niya ang mga issues sa palibot na kumakahon sa atin. Si Elsa, sa isa pang video clip kanina, gusto niyang maging imortal sa pamamagitan ng mga kuwentong ikukuwento ng mga tao tungkol sa kanya kapag kinunan siya ng pelikula ni Orly. Pinalalaya tayo ng mga kuwento. BAKIT TAYO NAGKUKUWENTO? May isang anecdote akong madalas ikuwento tungkol kay Nora Aunor. Minsan habang sakay ng van si Nora, may pulubing bulag na katok nang katok sa bintana ng van, namamalimos. Binuksan ni Nora ang bintana. Pagkakita kay Nora ay napasigaw ang pulubing bulag. Ay si Ate Guy! Sabi ko kay Guy nang ikuwento niya ito sa akin, naghimala ka, Guy! Si Kuya naman! sagot niya. Dalawa ang dahilan kung bakit tayo nagsusulat ng kuwento. Una ay upang matulungan nating makakita ang bulag. Araw-araw ay nakikita natin ang mga karahasan sa palibot, o kaya ay ang kabutihan ng ating mga magulang. Kaya hindi na natin nakikita. Namanhid na tayo. Ang mga batang lansangan, ang mga katiwalian sa palibot, ang mga kasamaan man o ang mga kabutihan, lagi nating nakikita, kaya hindi na natin nakikita. Sinusugatan ng mga kuwento ang ating mga mata upang luminaw uli ang ating mga paningin. Upang makawala tayo sa kahon ng pagkabulag. Ikalawa, nagkukuwento tayo upang ilantad ang mga nagpapanggap, ang mga peke, na gaya ng pulubing bulag. Sa panahon ngayon ay hindi mo na alam kung ano ang totoo o hindi, ano ang kabutihan at kung ano ang katotohanang gawa-gawa lamang ng iba upang lalo tayong mapagsamantalahan. Ipinapakita sa atin ng mga kuwento ang katotohanan sa likod ng mga katotohanan. Nang anyayahan ako ng PUP na magsalita sa hapong ito, tinanong ako kung anong gusto kong paksa. Sabi ko, gusto kong magsalita tungkol sa paggawa ng kuwento. Dahil higit sa alin pa mang panahon, palagay ko'y ngayon natin lalong kailangan ang mga kuwento. Ang pagkukuwento ay tungkol lagi sa pagpapakatao. Tungkol sa kung ano ang humaharang at nagkakahon sa atin upang huwag tayong maging mga buong tao. Kaya lahat ng kuwento ay tungkol sa paglabag sa karapatan ng tao. Ang mga inaaping manggagawa, ang asawang minamaltrato, ang anak na pinalayas dahil bakla, ang umiibig na nasaktan, ang ginawang puta o kriminal ng kahirapan, ang inagawan ng lupa, ng karapatan, ng kalayaan, lahat sila ay nakakahon at kinakailangang bumangga sa kahon upang maging buong tao. Sinasabi ng bawat kuwento sa atin na tao ka, huwag kang pumayag na bawasan nila maski isang pulgada ang pagkatao mo. Kaya lahat ng kuwento ay politikal. Minsan ay masarap ang mabuhay lang sa loob ng ating mga kahon. Naniniwala at nag-iilusyon na lahat ay tahimik at ligtas. Maski nakikita na natin ang panganib na idinudulot sa iba. Naririnig na natin ang sigaw at paghingi ng saklolo ng mga nasa labas pero komportable na tayo sa loob ng ating mga kahon. Kapag lumakas ang mga sigaw ay pinakakapal lang natin ang mga pader ng ating kahon. Ikinakandado lalo natin ang pinto. At para maging mas masaya, kinukulayan natin at ginagawan ng iba't ibang disenyo ang loob at labas ng kahon. Binabago natin nang konti ang porma, patrianggulo, patagilid, pabulusok, para maaliw tayo. Nilalagyan natin ng maraming ingay ang loob ng kahon upang huwag nating marinig ang nangyayari sa labas. Ang pinakadelikadong paraan ng pagkabuhay ay ang mabuhay sa sariling kahon. Inilibing mo na ang sarili mo maski humihinga ka pa. Sa pinakahuli kong nobela na Bahay ni Marta , napilitang magsalita ang isang bahay, at magkuwento ang isang piping bata, dahil ang mga taong nakakapagsalita sa palibot nila ay hindi nagsasalita. Alam ng bahay ang panganib ng pagkukuwento. Sa bawat pagkukuwento niya ay unti-unti siyang namamatay. Pero kailangan niyang ikuwento ang mga nangyari sa bahay na iyon. Sana ay huwag dumating ang ganoon sa atin, na pati ang bahay ay matutong magsalita. Ngayon ay nabubuhay tayo sa isang lipunang pinawawalangbisa ang ating mga karapatang pantao, ikinukulong tayo sa mga kahon ng karahasan, ng mga walang saysay na pagpatay, ng pagsamba sa kolonyal na pag-iisip, isang lipunang ipinagbabawal ang mga kuwento ng ating nakalipas, pati na rin ang mga kuwento ng ating kasalukuyan. Ngayon higit kailanman ay kailangan natin ang mga kuwento. Ngayon higit kailanman ay kailangan natin tulungang makakita ang mga bulag, at ilantad ang mga nagpapanggap. Kailangang buksan natin ang ating mga mata, palayain natin ang ating mga diwa, banggain natin ang mga kahon. Kailangan nating magkuwento. ***************
  • greatfairy.28
    Nov 5, 2018
  • Paolo Endrinal Tesico
    Oct 24, 2018

    My dearest thanks to you, Sir! More power!